Talatinigan ng mga Personal na Hashtag

FullSizeRender 2

KINIKILALA KO ANG HALAGA ng social media sa pagpapalaganap ng kamalayang pampanitikan. Dahil dito kaya aktibo ako sa Facebook, Twitter, at Instagram, at nilulubos ang mga iyon para sa pagpapakilala ng mga sariling akda at mga akda ng ibang manunulat.

Para sa book signing ko sa nagdaang #MIBF2015, nagpagawa ako sa Adarna House ng bookmark na may mga impormasyon ng aking social media accounts na ibinigay ko sa mga nagpapirma sa akin, at sa mga personal na bumibili sa akin ng alinman sa mga aklat ko hanggang sa ngayon.

Kahapon lamang, nagpasya akong tumigil na sa pagpo-post sa aking personal na FB account at sa halip ay gawing higit na aktibo ang aking FB Author’s Page:

IMG_0659-0

Kaya naman, mas updated at may bagong posts na ang aking Author’s Page sa Facebook na hindi na makikita sa aking personal na account:

IMG_0667

Pagkatapos, in-update ko rin ang description ng aking Twitter account at nag-pin pa ako ng Tweet para ilagay ang lahat ng mahahalagang personal na hashtag na ang ilan ay nabanggit ko sa aking FB post sa itaas.

FullSizeRender 3

May personal na halaga sa akin ang paggamit ng mga hashtag na iyan para sa mas mabilis kong pagkakatalogo ng magkakaugnay na paksa (pasensiya na, OC talaga ako minsan), lalo pa’t marami sa mga ito ay ginagamit ko sa mas mahahaba kong proyekto, tulad ng ilan sa mga kasalukuyang isinusulat na libro. Siyempre, nakatutulong din ito para sa iba, lalo pa sa mga mag-aaral na kinakapanayam ako dahil sa aking mga akda, para mas mabilis nilang saliksikin sa web ang aking mga isinusulat.

Kaya para sa mga ibig malinawan sa kahulugan ng bawat hashtag, narito ang aking munting Talatinigan ng mga Personal na Hashtag. Pansinin na ginagamit ko sa karamihan sa mga ito ang Atisan. Kung nabasa na ninyo ang alinman sa mga nobela ko, malamang na alam na ninyo ang halaga nito sa paglulunan ko ng mga bagay-bagay.

#AkdangAtisan
Para ito sa aking mga akdang nalathala, mula sa mga personal kong aklat hanggang sa mga sanaysay o kuwento o tula sa iba’t ibang publikasyon.

#AlaalangAtisan
Para ito sa pagbabalik-tanaw sa ilang bagay, ang personal kong throwback kahit hindi Huwebes.

#ArtsiboNgKagilagilalas
Para ito sa mga binasa, pinakinggan, o pinanood na akdang Filipino na may elementong kagila-gilalas o pantastiko.

#BiyahengAtisan
Para ito sa mga paglalakbay sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng bansa.

#BuwanNgMgaAkdangPinoy
Ito ang hashtag na pinasimulan ko ngayong taon, at balak isagawa tuwing Agosto, na nagtatampok ng mga akdang Filipino na ibig ipakilala sa ibang mambabasa.

#IkawNaAngMagaling
Para ito sa link sa mahuhusay na gawain ng mag-aaral sa mga klaseng hinawakan ko sa Ateneo.

#JanusSilang
Para sa mga may kinalaman sa aking serye ng nobelang young adult, ang Janus Silang.

#KababalaghangBanyaga
Para ito sa mga binasa, pinakinggan, o pinanood na akdang banyaga na may elementong kagila-gilalas o pantastiko.

#KoleksiyongManananggal
Para ito sa mga likhang-sining na may tampok o detalyeng manananggal na nagmula sa personal kong koleksiyon, karaniwang natanggap bilang regalo mula sa iba’t ibang visual artist.

#LibrEpub
Para ito sa link sa mga libreng epub ng ilang aklat na nakita sa internet at ibig irekomenda sa mga mambabasa.

#LibrongAtisan
Para ito sa mga bagong biling libro o kasalukuyang binabasang libro.

#Pagsusulat101
Para ito sa mga pagkatuto o payo na may kinalaman sa pagsusulat o buhay-manunulat.

#Tulambuhay
Para ito sa mga may kinalaman sa mga bagay na higit na personal, tulad ng karanasan o pagmumuni-muni sa mga bagay-bagay.

#Tulasanggunian
Para ito sa mga tala tungkol sa pagtula o pagbasa sa mga tula ng ibang makatang Filipino o banyaga.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: