Ang Dream Date Ko

Senior's Ball

Napangiti ako sa paksa sa ikalawang linggo ng Blog Tour para sa pagdiriwang ngayong taon ng National Children’s Book Day: “Sinong manunulat o ilustrador ang nais mong makasama sa isang araw/gabi para sa isang dream date?” Naisip ko, matchmaking tactic ba ito o dapat ba akong kiligin? Para namang pam-PBB ang tanong. Pero ang totoo, ang dream date kong manunulat o ilustrador ng mga bata/kabataan ay pangarap na lámang talaga dahil hindi na natin siya kasama. (Yes, corny, sorry.)

Hindi matatawaran ang naging ambag sa panitikang pambata ng husay at sigasig ni Sir Rene O. Villanueva. Mapalad akong nakasama siya’t naging kaklase pa(!) sa doktorado sa mga huling taon ng buhay niya. Hindi ko malimutan ang mga hapon na magkasama kami sa UP sa tahanan ni Ma’am Lilia Quindoza-Santiago at nag-uulat tungkol sa mga binasa o isinulat namin. Si Sir Rene ang isa sa mga taong hindi nakaiinis kapag nagtataray tungkol sa ibang manunulat o ibang akda. Tawanan kami nang tawanan sa klase, pero marami rin akong natutuhan tungkol sa pagpapahalaga sa mga ginagawa namin. Sa mga linggong iyon, nagkaroon ako ng silip sa kamalayan ng isang nag-alay ng halos buong buhay sa pagsusulat para sa mga bata, kahit pa lagi niyang sinasabi na hindi siya mahilig sa mga bata. Kahit hanggang ngayon na iniisip ko na lámang ang mga panahong iyon, starstruck pa rin ako.

Magkaklase dapat kami ni Sir Rene sa tag-araw ng taon na iyon bago siya namaalam. Tinext pa niya ako na mag-enroll ako para hindi ma-dissolve ang klase dahil gusto na niyang makapagtapos ng doktorado. Kahit wala akong balak mag-aral nang summer na iyon, nag-enroll ako, pero na-dissolve pa rin ang klase dahil hindi na nga niya nagawang makapag-enroll dito dahil sa karamdaman. Nag-una at ikalawang semestre na hindi na kami nagkita hanggang sa kumalat na nga balita ng kaniyang pagpanaw bago pa man mag-Pasko noong 2007. Hindi ko man lámang siya nadalaw.

Hindi pa lumalabas noon ang alinman sa mga nobela ko. Ang alam lang ni Sir Rene, ako ang nagsulat ng Uuwi na ang Nanay Kong si Darna! at na kasapi ako ng LIRA kaya mas tumutula-tula. Pero noon pa man, kinukumbinsi na niya akong magsulat ng nobelang YA sa Filipino; ramdam na ramdam niya ang pangangailangan para sa mga manunulat na pangkabataan. Ilang taon na ring lumabas noon ang Senior’s Ball (2002) niya mula sa Anvil, pero hindi pa niya nasusundan. Noon, walang-wala pa sa isip kong magsulat ng nobelang nakatuon sa kabataan dahil lubog na lubog pa ako sa pagtatapos sa Walong Diwata ng Pagkahulog at siguro’y may di-malay na pangmamaliit noon sa utak ko sa anumang hindi maituturing na “literary novel,” lalo pa iyong mga pang-YA na akala ko noon ay basta pa-cute at pa-sweet lang.

Kung narito pa si Sir Rene, iniisip ko kung tatarayan kaya niya ang Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon, at kung matatawa kaya ako sa mga pagtataray niya kung sakali. Gusto kong makakuwentuhan siya maghapon ukol sa mga balak pa sana niyang isulat na nobelang YA. Ikukuwento ko rin sa kaniya ang mga plano ko para sa buong serye ng Janus Silang at hihingi ng payo sa maraming bagay, hindi lang sa mismong pagsusulat, kundi sa pagharap sa buhay-manunulat sa labas ng maliit na daigdig ng mga manunulat na ginagalawan natin.

3 Comments on “Ang Dream Date Ko

  1. Naiyak ako, Egay. Kuhang-kuha mo si Rene, lalo na ang pagtataray!:) Naiinggit ako na nakasama mo siya nang matagal. (Pero balita ko, masungit at demanding siyang boss, hahaha). Nakakabitin. Namaalam siya nang sobrang maaga.

    • Oo nga, Ms. May! Marami pa siya sanang magagawa, pero ang totoo ay maraming-marami na siyang nagawa sa maikling panahong inilagi niya sa atin. Mananatiling buhay ang mga tauhan at akdang nilikha niya para sa atin.

  2. Pingback: NCBD 2015 Blog Tour | Xi Zuq's Nook

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 72 other followers

%d bloggers like this: