Panibagong Tulambuhay & Artsíbo ng Kagila-gilalas

FullSizeRender

KAILAN HULING NANGYARING MAY TUMAWID na pusang itim sa dinaraanan mo? Sa akin, nung isang gabi lang, pauwi mula sa christmas party ng Adarna. Nagdalawang-isip pa ako kung tutuloy ako sa paglalakad. Iyung pusa, itim na itim, at wala namang pakialam sa akin. Matapos niyang magulat sa pagkagulat ko, nagpatuloy na sa pagtakbo.

Ako naman, hindi na mapakali. Gusto ko pang maglakad-lakad noon, dahil bihira rin akong mapadpad sa Tomas Morato kapag gabi. Gusto kong suysuyin ang mga kalyeng inilarawan ni Ricky Lee sa Si Amapola sa 65 na Kabanata. Maghanap ng manananggal, o basta pumasok mag-isa sa isang comedy bar at katakutang makatuwaan ng performer. Nakatatakot na nakatutuwa ang laki ng mukha nina Allan K. at Ate Gay sa tarp ng Zirkoh. Pero biglang may dumaang dyip na biyaheng Project 2 & 3. Hindi ko binalak parahin, pero napakawáy ako pagtapat sa akin. Walang nakaupo sa tabi ng drayber kaya lalo akong napilitang sumakay. Next time na lang, Morato. Bumaba ako sa Anonas. Alas-9 pa lang. Sa ibang pagkakataon, gabi na ito para sa akin. Payo sa akin ng doktor kong acupuncturist din, matulog na ako bago mag-alas-10 ng gabi. Iyon daw ang oras ng pagtatrabaho ng atay at bato sa katawan, na kailangan kong alagaan. Lalo’t mahigit dalawang buwan na ang nararamdamang pag-init ng mga palad ko––kasama ang mga paa kung minsan––lalo pa bago matulog. Na hindi maipaliwanag ng blood tests, urinalysis, at kahit ng neurologist na humingi pa ng MRI at EMG (buti na lang at may health card). Kaya noong isang buwan, nagsimula akong magpa-acupuncture. Naisip ko, wala namang masamang paniwalaan ang praktis na itong nakatawid nang libong taon sa kasaysayan. Tiningnan ni Dr. Gancia ang dila ko. Pinulsuhan ako sa kaliwa’t kanan. Ang diagnosis: Kidney Yang Fire. Káya raw ng tatlo hanggang apat na sessions lang. Gusto ko ang halos poetiko niyang paliwanag sa daloy ng init at lamig sa katawan. Naintindihan ng utak kong mas nagbabasa ng tula kaysa scientific journals.

Pero hindi nga iyon karaniwang gabi lang. May tumawid na pusang itim sa dinaraanan ko. Bata pa ako sa San Pablo nang huling mangyari iyon. Hindi pa ako puwedeng umuwi. Pumasok ako sa McDo sa kanto ng Aurora at Anonas, at napilitang umorder. Sa mesa sa second floor, binulatlat ko ang mga pinamilíng postcards at art works ng mga ilustrador ng Adarna sa kanilang A Christmas Treat for Readers bago kami nag-party sa Lóla. Tulad nitong orihinal na likha ni Rommel Joson (na nakita ko sa unang pagkakataon matapos niyang gawin ang mga ilustrasyon para sa unang isyu ng Tapat Journal na inilabas ko noon pang 2011):

IMG_7429

Gusto ko ang cliché na púsong makina ng ibon. Gusto kong posible lang ang ibong ito sa larawan, bílang larawan. Maipapa-frame ko rin ito balang-araw.

Sinubok kong ipagpatuloy ang pagbabasa sa The Bone Clocks ni David Mitchell sa iPad mini. Nasa 82% na ako, sabi ng Marvin app na gámit ko. Isinasakatuparan na ang Second Mission, ang tangkang pagwasak sa Dusk Chapel of the Blind Cathar. Ang totoo, hindi ko matapos-tapos ang nobela dahil sa pagkadismaya sa pantasya nito ng reinkarnasyon at pagiging inmortal. Wala rito ang kagila-gilalas na bagabag ng una niyang nobela, ang Ghostwritten, na nananatiling ang pinakaiinggitan kong unang nobela ng isang manunulat––at dahilan kung bakit wala akong pinalalampas na akda ni Mitchell. (Sang-ayon kay James Wood sa The New Yorker: “Weightless realism is here at slack odds with weightless fantasy.” Aray.) Tinapos ko ang panlimang seksiyon ng nobela (“An Horologist’s Labyrinth”) na siya ring pinakakabagot-bagot, na nakapagtataka dahil ito dapat ang bahaging pinakamaaksiyon at pinakamaraming rebelasyon. 87% na ako ng nobela. Saka ko na sisimulan ang huling seksiyon na 2043 ang tagpuan. Ito ang taon na pinakakaunti siguro akong nabásang nobela. Pakunsuwelo ko sa sarili, may lumabas naman akong libro (Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon), may tinapos na isa pang malapit na ring lumabas (101 Nilaláng na Kagila-gilalás) , at may isa pang susubuking tapusin bago mag-2015––ang ikalawang aklat ng Janus Sílang.

Tiningnan ko ang pocket wifi. May signal ang SmartBro. Himala. FB muna. Tapos, Twitter. At biglang na-miss ang panahon na nagba-blog lang ako nang walang pakialam kung may nagbabasá. Ilan sa mga iyon, hindi ko na ma-access sa ngayon––nasa OpenDiary, LiveJournal, Friendster Blog, at Multiply. Tiningnan ko ang site na ito. Noong isang taon lang, araw-araw akong nag-a-update, kahit isang picture lang ang ilalagay. Alam ko, higit kaninuman, para sa akin din iyon, ito, para may mabalikan sa hinaharap.

Pero gusto ko ring magkaroon ito ng saysay nang lampas sa personal, lampas sa antisipasyon ng nostalgia. Noong 2006, inilathala ng ORP sa Ateneo ang aklat ko ng tula na pinamagatan kong Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambúhay. Sa pagkakaalam ko, ako ang unang gumamit ng tulambúhay sa aking tesis sa MA noon pang 2004, kaya naman kapag binabanggit ang librong iyon ng iba, mas madalas na talambuhay ang sinasabi. Sumuko na akong itama sila. Kahit alam kong hindi ako naglalaro lang sa salita. Na sa tuwing nagsusulat ako tungkol sa buhay ko, alam kong hindi buhay ko ang isinusulat ko. Tulad ngayon.

Minsan, kailangan din natin ng mga pusang itim na biglang tumatawid sa dinadaanan natin. Ibinabalik tayo nito sa posisyon ng pag-aalinlangan, o sa sandali ng pagbibigay-kahulugan sa mga bagay-bagay. Minsan din, hindi naman iyon mismong mga kahulugang kinakatha natin ang mahalaga, kundi iyung pagpapahalaga sa mismong sandali ng pagpapakahulugan. Ehersisyo ng kamalayan, pagsasanay sa pagtawid sa babala ng panganib, o basta pagyakap lang sa mga karunungang-bayan na lumalampas sa kung anong pragmatiko, o hayag, o tingin natin ay naririto’t naghuhulma sa mundo natin. Dito, maláy at handang mabigo’t magsimula nang paulit-ulit. Napapagod at hindi napapagod. Natatakot at hindi natatakot.

Iyon ang gayuma sa akin ng kagila-gilalas. Nasa iisang antas ng kamalayan ang itim na pusang tumatawid sa lansangan at ang manananggal na nahahati ang katawan. Iisa ang ibong may dibdib na gawa sa makina at ang tulambúhay na nananahananan (ang hirap bigkasin nito, hindi kasimpanatag ng pagtahan) sa isipan. Kaya gusto kong gamitin itong ARTSÍBONG ATÍSAN hindi lámang bilang sisidlan ng mga sarili kong aklat at akda, kundi bílang sinúpan din ng mga pagtatangka kong basahin ang kagila-gilalas sa mga kathang tinatangay ng pagkakataon sa atin o sinasadya nating harapin. Ito ang ibig kong gawin sa mga sandaling tulad nitong hindi alam ang gagawin. Pasado alas-dose na ako nakauwi noon dito sa Nangka, aligaga na siguro ang atay at bato kong hindi magawa ang kailangan nilang gawin. May iba pa akong kailangang pakinggan sa loob ko.

Ngayon, pasado ala-una na pala, at hindi pa ako nanananghalian. Nagdeklara na rin ng walang klase ang Quezon City para bukas. Ito na ba ang bagyo? Parang narito’t wala rito si Ruby. Patuloy na sinasabi sa akin ng uniberso na heto ang panahong hinihingi ko para magsulat lang at magbasa. Mag-ingat at magpasalamat. Nangako rin akong maglilinis ng kuwarto at hindi ko pa nasisimulan. Kakain muna ako.

Magkita sana tayo nang madalas.

8 Disyembre 2014 | 1:26 nh

One Comment on “Panibagong Tulambuhay & Artsíbo ng Kagila-gilalas

  1. Pingback: Pasko 2014 sa Adarna House | Artsíbong Atísan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 71 other followers

%d bloggers like this: